Arestado na ang pangunahing person of interest sa pagpaslang sa isang dating barangay captain ng Brgy. Tumbar, Lingayen, Pangasinan, ayon sa Lingayen Municipal Police Station.
Batay sa imbestigasyon na pinangunahan ni PLtCol. Junmar Gonzales, Chief of Police ng Lingayen PNP, kinilala ng isang credible witness at complainant ang suspek na sangkot sa krimen.
Lumalabas din na bago tuluyang pumanaw ang biktima habang ginagamot sa ospital, nakapagbigay ito ng dying declaration na tumutukoy sa pagkakakilanlan ng suspek.
Narekober din ng pulisya ang motorsiklong ginamit sa krimen, na nagsilbing mahalagang ebidensya upang matukoy ang partisipasyon ng inarestong suspek.
Sa kasalukuyan, isinampa na ang kasong murder laban sa suspek batay sa resolusyon ng piskalya at sa mga nakalap na pahayag ng mga saksi at complainant.
Gayunpaman, patuloy pa rin ang imbestigasyon dahil may posibilidad na may iba pang sangkot sa krimen, kaya’t may nakahandang isama ang mga hindi pa natutukoy na suspek bilang mga John Doe sa kaso.
Maaari ring magsampa ng karagdagang kaso sakaling may lumabas pang ebidensya.
Tinitingnan din ng pulisya ang lahat ng posibleng anggulo ng krimen, kabilang ang mga nakaraang insidente o alitan na maaaring may kaugnayan sa pagpaslang. Hindi rin isinasantabi ang posibilidad ng ibang motibo habang nagpapatuloy ang masusing imbestigasyon.
Samantala, inilarawan ng pulisya ang matinding lungkot at galit na nararamdaman ng pamilya ng biktima sa sinapit ng kanilang kaanak. Sa kabila nito, nakikipagtulungan umano ang pamilya sa mga awtoridad at wala silang planong pumasok sa pulitika.
Patuloy ang panawagan ng pulisya sa publiko na makipagtulungan at magbigay ng anumang impormasyon na makakatulong sa paglutas ng kaso at pagtukoy sa iba pang posibleng sangkot sa krimen.










