DAGUPAN CITY- Ikinatuwa ng sektor ng transportasyon ang pagbawi ng Land Transportation Frachising and Regulatory Board (LTFRB) sa mandatory Global Positioning System (GPS) para sa Service Contracting Program (SCP), at papalitan na lamang ito ng QR code-based system.
Ayon kay Marilene Helis, General Manager ng Road Transport Service Cooperative, sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, malaking tulong na mailipat na lamang sa budget para sa diesel ang ilalaan na pera para sa GPS.
Aniya, kung sakali ay panibagong gastos ito para lamang mapabilang sa naturang programa dahil sa maaaring umabot sa halos P400,000 para sa pagtalima.
Giit niya, ang halagang ito ay mas makatutulong kung ilalaan na lamang sa pagbibigay sabsidiya sa mga tsuper na kabilang sa programa.
Gayunpaman, malugod nilang susundin ang mga requirements at guidelines na ipapatupad ng Land Transportation Frachising and Regulatory Board (LTFRB) para sa SCP.
Samantala, umaasa ang hanay ng transportasyon na mas makakapagbigay ng kita sa mga tsuper ang naturang programa kumpara sa kalagayan noong hindi pa sila kabilang sa programa.
Saad pa ni Helis na maglalaan din sila ng porsyento para sa gasolina ng mga unit upang masustentuhan ang patuloy na pamamasada ng mga tsuper.
Sa kasalukuyan, tanging sa National Capital Region (NCR) pa lamang ipinapatupad ang Service Contracting Program.
Umaasa naman sila na maipatupad din ito sa buong Pilipinas upang matulungan pa ang kabuhayan ng mga tsuper habang patuloy nabibigyan serbisyo ang mga mananakay.










