Dagupan City – Isang makulay at makabuluhang tourism video ang inilabas kamakailan ni Rose Ann Albania, ang kinatawan ng San Carlos City sa nalalapit na patimpalak ng Miss Universe Philippines.
Sa naturang video na may temang “HerStory, Introduction, and Tourism,” ipinakilala ni Albania hindi lamang ang kanyang sarili bilang kandidata, kundi pati na rin ang mayamang kultura, likas na yaman, at mga natatanging destinasyon ng kanyang lungsod.
Tampok sa kanyang presentasyon ang mga tanawin, tradisyon, at mainit na pagtanggap ng mga taga-San Carlos, na layong hikayatin ang mas maraming turista na bisitahin ang lugar.
Ang kanyang kwento naman ay hindi lamang tungkol sa pageantry, kundi pati na rin sa pagbibigay-pugay sa kanyang pinagmulan.
Habang papalapit ang coronation night, mas lalo pang tumitindi ang suporta ng kanyang mga kababayan.
Marami ang naniniwala na may malakas siyang laban sa kompetisyon, hindi lang dahil sa kanyang kagandahan kundi pati na rin sa kanyang kakayahang maging isang epektibong tourism ambassador.










