Hahanapan pa ng pondo ng Commission on Elections (COMELEC) ang posibleng pagsasagawa ng special elections sa ikaapat na distrito ng Cavite kasunod ng pagkabakante ng puwesto ni dating Cavite 4th District Rep. Kiko Barzaga.
Sa mensaheng ipinadala ni COMELEC Chairman George Erwin Garcia sa Bombo Radyo Philippines, sinabi nitong wala umanong nakalaang budget ang poll body para sa naturang halalan dahil hindi ito kabilang sa kanilang mga pinaghandaan sa kasalukuyang taon.
Ipinaliwanag ni Garcia na ayon sa batas, kinakailangang magsagawa ng special elections upang mapunan ang nabakanteng puwesto sa Kamara. Gayunman, kailangan munang matukoy ng COMELEC kung saan kukunin ang kinakailangang pondo para rito.
Ayon pa sa COMELEC chairman, ang special elections ay dapat isagawa nang hindi bababa sa 60 araw at hindi lalampas sa 90 araw mula nang opisyal na ideklarang bakante ang posisyon.









