Courtesy: DSWD

DAGUPAN CITY- Tulong pinansyal at pagresolba sa bumababang reading competency ang target ng “Tara, Basa! Tutoring Program” ng Department of Social Welfare and Developement (DSWD).

Ayon kay Anniely Ferrer, Assistant Regional Director for Operations, DSWD Field Office 1- Ilocos Region, sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, ang kanilang programa ay may layuning makapagbigay ng cash-for-work para sa mga estudyante sa mga state university at kolehiyo upang makatulong sa mga gastusin.

Aniya, prayoridad nito ay ang mga kasama sa mahihirap na pamilya.

--Ads--

Kinakailangan ng mga ito na magtrabaho sa pamamagitan ng pagtuturo sa mga incoming grade 2 students sa mga pampublikong paaralan.

Ani Ferrer, nakabatay sa datos, sa tulong na rin ng Department of Education (DepEd), ang pagpili ng mga paaralang paggaganapan ng nasabing programa kung saan may mababang reading competency ang mga naturang mag-aaral.

Kabilang din sa kunsiderasyon sa pagpili ng paaralan ay ang may kalapit na state university ito.

Bukod pa riyan, bibigyan naman ng family development session ang mga magulang ng mga incoming grade 2 students na lalahok sa tutoring program.

Hinggil dito, tuturuan sa iba’t ibang aspeto ang mga magulang sa pagiging isang pamilya at pagbibigay ng suporta sa mga nag-aaral na anak.

Ayon kay Ferrer, nakitaan nila ng positibong epekto sa reading competiveness ang pilot implementation ng programa sa mga estudyanteng sumailalim sa tutoring program.