Mas pinaigting ng Mangaldan Municipal Police Station ang pagpapatupad ng Oplan Bandillo bilang bahagi ng kampanya upang mapanatili ang kapayapaan at seguridad sa bayan, lalo na sa mga matataong lugar gaya ng palengke at iba pang convergence areas.
Ayon kay PMAJ Rodrigo Lubiano Jr., Deputy Chief of Police PNP Mangaldan, layunin ng programa na mapalawak ang kamalayan ng publiko hinggil sa pag-iingat laban sa mga posibleng insidente ng krimen habang namamalengke o nasa pampublikong lugar.
Kabilang sa paalala ng pulisya sa mga residente ang pag-iwas sa pagsusuot ng mamahaling alahas o damit at ang mas maingat na pagbabantay sa kanilang mga dalang gamit tulad ng bag upang hindi mabiktima ng mga masasamang loob.
Patuloy rin umanong pinapalakas ng himpilan ang police presence at police visibility sa iba’t ibang bahagi ng bayan sa pamamagitan ng regular at 24 oras na pagpapatrolya ng mga kapulisan.
Bukod dito, aktibo rin ang Police Community Relations ng Mangaldan PNP upang higit pang maipaalam sa publiko ang mga programa at hakbang ng kapulisan para sa kaligtasan ng komunidad.
Sa pamamagitan ng pinaigting na operasyon at tuloy-tuloy na pagpapatrolya, umaasa ang Mangaldan PNP na mapanatiling ligtas at mapayapa ang bayan laban sa iba’t ibang uri ng kriminalidad.










