Umabot na sa 60% na kompleto ang Lower Agno River Irrigation System (LARIS) Paitan Dam Project sa bayan ng Santa Maria mula nang umpisahan ito noong March 2025.
Bukod dito, 95% nang kompleto ang ginagawang kanal na dadaluyan ng tubig
na idinisenyo para magdala ng tubig mula sa Ilog Agno patungong mga sakahan.
Matatandaan na personal na bumisita sa Pangasinan si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. para pangunahan ang ground breaking ng nasabing proyekto.
May pondo itong nasa 950 milyon pesos kung saan 750 milyon pesos dito ay mula sa Department of Agrarian Reform habang 250 milyon pesos naman ay sa National Irrigation Administration.
Ayon kay Engr. John Molano ang Division Manager ng Pangasinan Irrigation Management Office- NIA Pangasinan na kinakailangan pa ng halos 385 milyon pesos para sa mga natitirang bahagi ng proyekto upang tuluyan na itong makumpleto.
Saad niya na inaasahang matatapos ang proyekto sa unang kwarter ng 2027 habang sisimulan naman ang dry run para sa patubig sa buwan ng Disyembre ngayong taon.
Nakaranas ng pagkaantala ang konstruksyon dahil sa pagtaas ng presyo ng petrolyo, ngunit sa ngayon nagpapatuloy na ang nasabing konstruksyon.
Saad niya na kapag matapos ang nasabing proyekto ay mapapatubigan nito ang nasa
12,000 ektarya sa 3 probinsya gaya ng Pangasinan, Tarlac, at Nueva Ecija.
Kabilang sa mapapatubigan nito ay ang mga bayan ng Santa Maria, Asingan, Rosales, Santo Tomas, Alcala, Bautista, at Bayambang sa Pangasinan, San Manuel at Moncada naman sa Tarlac habang sa Cuyapo naman sa Nueva Ecija.
Sa pamamagitan ng proyektong ito mas maabot at mapapalakas ang suplay ng patubig sa mga lugar na hindi naabot na siyang magbibigay oportunidad para mapataas ang produksyon, kita at ani ng mga magsasaka ng palay.









