Nagbigay ng paalala ang Dagupan Electric Corporation o DECORP sa publiko kaugnay ng pagdami ng thunderstorms at mga insidente ng power interruption ngayong papalapit ang tag-ulan.
Ayon kay Atty. Randy F. Castilan, may mga naka-install na lightning arrester at iba pang protective equipment ang kanilang mga network at substation upang maprotektahan ang electrical system laban sa kidlat.
Dahil dito, pinayuhan niya ang publiko na patayin muna ang mga kagamitang gaya ng telebisyon at air conditioner kapag may pagkulog at pagkidlat upang maiwasan ang pagkasira ng appliances at iba pang panganib. Hinikayat din niya ang mga residente na manatili sa loob ng bahay habang may thunderstorm para sa kanilang kaligtasan.
Ipinaliwanag ni Castilan na karaniwang nagkakaroon ng momentary interruptions sa suplay ng kuryente tuwing unang bugso ng ulan sa mga buwan ng Abril, Mayo at Hunyo. Aniya, hindi palaging linya o kagamitan ng electric cooperative ang dahilan ng pagkawala ng kuryente kundi mga sanga ng puno, lumilipad na bagay, at iba pang debris na tumatama sa mga linya ng kuryente dulot ng malalakas na hangin.
Samantala, hinikayat din ng opisyal ang publiko na agad makipag-ugnayan sa DECORP kung may naputol na linya, nakasabit na puno o sanga sa poste, o kung may planong magtayo ng istruktura malapit sa mga linya ng kuryente. Ayon sa kanya, nagiging sanhi rin ng electric contact incidents at power interruptions ang mga bahay o gusaling itinayo nang masyadong malapit sa mga kawad ng kuryente.
Kaugnay naman ng paniningil sa kuryente, sinabi ni Castilan na ipatutupad ng DECORP ang advisory ng Energy Regulatory Commission para sa billing periods ng Mayo, Hunyo at Hulyo.
Sa huli, nagbabala si Castilan laban sa mga indibidwal na nag-aalok ng ilegal na paraan upang mapababa umano ang konsumo ng kuryente sa pamamagitan ng pakikialam sa metro. Aniya, walang ganitong serbisyo ang DECORP at dapat agad i-report sa kanilang tanggapan ang mga taong sangkot sa ganitong uri ng ilegal na aktibidad.










