Nakikitang makakaapekto ang nabuong bagong mayorya matapos ang kudeta sa posisyon sa Senado, sa direksyon ng impeachment proceedings laban kay VP Sara Duterte
Yan ang ibinahagi ni Atty. Joseph Emmanuel Cera – Constitutional Law Expert/ Litigation Lawyer kaugnay sa naging pagbabago sa liderato ng Senado at sa epekto nito sa nakabinbing articles of impeachment laban sa Pangalawang Pangulo.
Ayon kay Cera, umabot umano sa 255 boto ang nakuha sa Kamara upang maipasa ang articles of impeachment laban sa bise presidente—mas mataas sa kinakailangang bilang upang maipadala ito sa Senado para sa paglilitis.
Gayunman, sinabi niyang maaari maapektuhan nito ang magiging direksyon ng impeachment proceedings.
Ipinaliwanag din niya na ayon sa Konstitusyon, may posibilidad umanong magpasya ang mayorya ng mga senador na huwag nang ituloy ang reklamo kahit hindi pa pormal na nakakapag-transform ang Senado bilang impeachment court.
Dagdag pa niya, marami umano sa mga kasapi ng bagong mayorya sa Senado ay dating nagpahayag na ng kanilang posisyon hinggil sa reklamo laban kay Vice President Duterte, dahilan upang mabuo ang pananaw ng publiko na may kaugnayan ang pagbabago ng liderato sa usapin ng impeachment.
Sa kabila nito, umaasa si Cera na tutuparin pa rin ng Senado ang tungkulin nitong dinggin ang kaso at bigyang pagkakataon ang prosecution panel mula sa House of Representatives na maiharap ang kanilang ebidensya.










