Dagupan City – Tinalakay sa Sangguniang Panlalawigan ng Pangasinan ang usapin sa pagsususpinde ng klase at trabaho, partikular ang panukalang centralized declaration ng class suspension sa lalawigan.
Ayon kay Manaoag Mayor Jeremy Rosario, Presidente ng League of Municipalities of the Philippines–Pangasinan Chapter, hindi ito siya sang-ayon sa iisang centralized na sistema ng pagsususpinde ng klase dahil magkakaiba ang sitwasyon ng bawat bayan at paaralan.
Aniya, malaking hamon para sa mga lokal na pamahalaan ang pagkansela ng klase, lalo na’t ito umano ang isa sa mga madalas na tanong ng mga mag-aaral at kanilang mga magulang tuwing may masamang panahon.
Sa kabila nito, sinabi ni Rosario na kabilang sa mga positibong hakbang ng pamahalaan ang patuloy na pagsasagawa ng relief operations para sa mga apektadong residente.
Batay umano sa umiiral na advisory, may itinakdang bilang ng mga relief operation na dapat isagawa, subalit maaari itong magbago depende sa sitwasyon, partikular sa epekto ng habagat at iba pang weather disturbance.
Binigyang-diin ni Rosario na ang desisyon sa pagsususpinde ng klase ay dapat nakabatay sa aktuwal na sitwasyon sa bawat lugar.
Aniya, hindi pare-pareho ang epekto ng malakas na ulan at bagyo sa bawat bayan, kaya mahalagang mabigyan ng pagkakataon ang mga lokal na opisyal na magpasya batay sa kanilang nakikitang panganib sa komunidad.
Gayunman, iginiit niya na sa anumang desisyon, dapat pa ring manaig ang kaligtasan at kapakanan ng bawat indibidwal.
Samantala, ipinaliwanag ni Vice Governor Mark Ronald Lambino na maging ang ehekutibong sangay ng pamahalaan sa Malacañang ay patuloy na nag-e-evolve ang sistema ng pagdedeklara ng suspension ng klase.
Ganito rin umano ang naging approach ng Department of Education o DepEd, kung saan isinasaalang-alang ang rekomendasyon at aktuwal na kondisyon ng bawat lugar sa halip na magkaroon ng awtomatikong suspensyon sa lahat ng paaralan.
Paliwanag ni Lambino, hindi magkakapareho ang epekto ng ulan at bagyo sa bawat paaralan.
May mga paaralang nasa matataas na lugar na maaaring hindi direktang maapektuhan ng pagbaha, ngunit maaari namang ginagamit bilang evacuation center.
Dahil dito, mahalaga aniyang tingnan ang kabuuang sitwasyon ng bawat komunidad bago magpatupad ng suspensyon ng klase at iba pang kaugnay na hakbang.
Binigyang diin naman nito na nananatiling pangunahing konsiderasyon ng mga lokal na opisyal ang kaligtasan ng mga mag-aaral, guro, kawani at buong komunidad sa harap ng banta ng masamang panahon.










