Mananatiling sapat ang suplay ng pagkain sa bansa sa kabila ng nagpapatuloy na tensiyon sa Middle East.

Sa isang press conference, sinabi ni Department of Agriculture (DA) spokesperson Assistant Secretary Arnel de Mesa na ang bansa ay may sapat na suplay ng agricultural commodities, partikular na ang bigas.

Sinabi ni De Mesa na maraming pinagkukunan ang Pilipinas ng imported rice, kabilang ang Vietnam, Myanmar at Cambodia, na malayo sa Middle East.

--Ads--

Ayon naman sa Bureau of Plant Industry, hanggang nitong Peb. 26, nasa 707,711.46 metric tons (MT) ng imported rice ang dumating sa bansa.

Samantala, patungkol naman sa posibleng pagtaas sa retail prices, sinabi ni De Mesa na hindi malamang na tumaas ang presyo hanggang P70 kada kilo, gaya ng naranasan noong mga nakaraang taon dahil sa krisis sa pagitan ng Ukraine at Russia.

Ayon sa DA Bantay Presyo ang premium imported rice sa Metro Manila ay ibinebenta sa P52 kada kilo hanggang P62 kada kilo hanggang nitong Miyerkoles.

Samantala, ang presyo ng kada kilo ng imported well-milled rice ay naglalaro sa P43 hanggang P49/kilo; at imported regular-milled rice, sa P36 hanggang P46/kilo.

Ang local premium rice ay nasa P43/kilo hanggang P60/kilo, habang ang umiiral na presyo ngr well-milled rice at regular milled rice ay P45/kilo at P40/kilo, ayon sa pagkakasunod.

Gayundin ay tiniyak ng DA na nananatiling matatag ang suplay ng iba pang agricultural products.

Gayunman, maaaring maapektuhan ang retail prices ng mga produktong agrikultural ng mga paggalaw sa pandaigdigang presyo ng langis sakaling magpatuloy ang pagkaantala sa daloy sa Strait of Hormuz.

Sakaling tumaas ang gastos sa freight dahil sa pagtaas ng presyo ng krudo, sinabi ng DA na isasaalang-alang nito ang pagbibigay ng tulong sa logistics sa loob ng value chain, binanggit ang mga naging interbensyon ng pamahalaan nang maapektuhan ang sektor ng baboy ng African swine fever.