Dagupan City – Pinalakas ng Pangasinan Police Provincial Office ang kampanya laban sa ilegal na sugal kasunod ng mas pinaigting na operasyon sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan, lalo na matapos masibak ang 11 pulis na umano’y nasangkot o nagkulang sa pagpapatupad ng batas.
Isinagawa ang sunod-sunod na anti-illegal gambling operations mula Abril 22 hanggang 27, na nagresulta sa pagkakaaresto ng ilang indibidwal at pagkakumpiska ng libo-libong pisong pusta.
Ayon sa ulat ng pulisya, kabilang sa mga sinalakay na aktibidad ang mga larong pusoy, tong-its, bookmaking, at dropball sa mga bayan ng Manaoag, Pozorrubio, Urdaneta City, at Mangaldan.
Narekober sa mga operasyon ang mga gamit sa pagsusugal at iba pang ebidensya na gagamitin sa pagsasampa ng kaso laban sa mga nahuli.
Binigyang-diin ng mga awtoridad na ang pinaigting na kampanya ay bahagi ng kanilang mas malawak na hakbang upang sugpuin ang ilegal na sugal na maaaring maging ugat ng iba pang krimen tulad ng pandaraya, utang, at kaguluhan sa komunidad.
Hinikayat din ng pulisya ang publiko na makipagtulungan sa pamamagitan ng agarang pag-uulat ng anumang kahina-hinalang aktibidad na may kinalaman sa ilegal na sugal.










