Dagupan City – Natagpuan na ang katawan ng isang binatang nalunod sa Agno River sa Barangay Amamperez sa Bayan ng Villasis matapos ang search and retrieval operation na isinagawa ng mga otoridad.
Nagtulungan ang ilang opisina sa bayan gaya ng mga tauhan ng Villasis Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), PNP Villasis, BFP Villasis at Municipal Health Office kasama din ang Philippine Coast Guard, Alcala MDRRMO, Pangasinan Provincial DRRMO, at mga diver.
Matapos ang puspusang paghahanap, nahanap na ang katawan ng biktima ngunit wala na itong buhay.
Ayon sa ulat, ang biktima ay kasama ang ilang kaibigan na pumunta sa ilog upang maligo noong mga nakaraang araw.
Habang naliligo, napunta umano ang binata sa malalim na bahagi ng Agno River at napasok sa malakas na agos, na naging sanhi ng pagkalunod.
Dahil sa nangyari, patuloy naman na nagpaalala ang mga otoridad na umiwas sa mga lugar na maaring magsanhi ng aksidente lalo sa mga ilog na may malakas na agos upang maiwasan ang kahalintulad na insidente.










