Dagupan City – Naging matiwasay at maayos ang pagdiriwang ng Pistay Dayat 2026 sa Pangasinan matapos walang naitalang insidente kaugnay ng selebrasyon.

Ayon kay Arriane De Guzman, Information Officer ng Pangasinan PDRRMO, tinatayang umabot sa 3,000 turista at beachgoers ang dumagsa sa iba’t ibang baybayin, kung saan nasa 1,000 dito ang naitala sa Lingayen.

Ani De Guzman, maaga pa lamang noong Abril 30 ay nagpatupad na ng blue alert status ang kanilang tanggapan upang paghandaan ang posibleng pagdami ng tao.

--Ads--

Nag-deploy din ang ahensya ng incident management teams sa mga pangunahing dalampasigan, kabilang ang Lingayen beachfront o ang Estanza beach, kasama ang mga standby medic at WASAR personnel.

Naka-green status din ang kanilang mga rescue vehicles at handang rumesponde anumang oras kung kinakailangan.

Bagamat mas kaunti ang bilang ng mga turista ngayong taon na iniuugnay sa matinding init ng panahon, sinabi ni De Guzman na mas naging manageable ang sitwasyon at mas madaling natutukan ng mga personnel ang kanilang mga area of responsibility.

Samantala, hinihikayat ang publiko na manatiling updated sa mga anunsyo ng mga lokal na pamahalaan para sa mga abiso, kabilang ang heat index updates.