Dagupan City – Tiniyak na sapat ang suplay ng baboy sa slaughterhouse sa bayan ng Mangaldan sa kabila ng Importation ban ngayong Nobyembre lalo na at papalapit ang pagsapit ng holiday season.
Ayon sa Slaughterhouse Master na si Aris Morales, may sapat na nakaimbak na stock ang mga nagpapasok ng baboy para sa Pasko at Bagong Taon.
Dagdag niya, Nasa apatnapu hanggang apatnapu’t limang baboy ang karaniwang kinakatay kada araw na itinuturing na normal na bilang ng operasyon.
Kaugnay ng pagbabawal sa importasyon ng karne ng baboy, wala pa umanong ibinababang pormal na panuntunan ang National Meat Inspection Service sa mga lokal na slaughterhouse.
Hinihintay pa ang magiging gabay ng ahensya kaugnay sa pagpapatupad ng nasabing pagbabawal sa mga pamilihan at katayan sa bayan.
Nagpaalala naman ang pamunuan sa mga nagpapasok ng baboy na kumpletuhin ang mga kinakailangang dokumento bago dalhin ang baboy sa slaughterhouse.
Kabilang dito ang veterinary health certificate, shipping permit, quarantine checkpoint clearance, at sertipikasyon na walang African Swine Fever ang pinanggalingang farm.
Pinayuhan din ang mga mamimili na suriin ang kalidad ng karne at hanapin ang tatak na inspected and passed kasama ang kaukulang meat inspection certificate.










