Dagupan City – Ipinakita ng mga mag-aaral ang makukulay na sayaw na sumisimbolo sa kasaysayan ng tupig at sa pagkakaisa ng mga kabataan sa bayan.

Ayon kay Michael Murillo, Headteacher III ng Laoac District, naging posible ang paghahanda ng street dancing sa tulong ng lokal na pamahalaan ng Laoac at sa pakikipagtulungan ng mga guro, school heads mula sa elementarya at sekondarya, gayundin ng mga magulang ng mga mag-aaral.

Aniya, nagsilbing pagkakataon din ang presentasyon upang maipakita ang samahan ng mga mag-aaral at ang kultura ng bayan.

--Ads--

Dagdag pa niya, halos isang buwan lamang ang naging preparasyon ng mga kalahok matapos itong simulan noong huling linggo ng Enero.

Orihinal na nakatakda bilang paligsahan ang street dancing ngunit ginawa na lamang itong presentasyon dahil sa kakulangan ng oras sa paghahanda.

Samantala, namahagi rin ng libreng tupig sina Laoac Mayor Ricardo D. Balderas at Pangasinan Board Member Rose Apaga sa mga residente at bisita bilang bahagi ng pagdiriwang.

Ayon kay Mayor Ricardo D. Balderas, isang linggong ipagdiriwang ang Tupig Festival kung saan may mga aktibidad sa umaga at gabi para sa mga taga-Laoac.

Layunin ng pagdiriwang na mapasaya ang mga residente at higit pang maipakilala ang tupig ng Laoac na gawa sa purong malagkit na bigas na ani sa bayan.

Bukod sa street dancing at pamamahagi ng tupig, tampok din sa selebrasyon ang iba pang programa na nilahukan ng iba’t ibang barangay sa Laoac bilang bahagi ng taunang pagdiriwang ng kanilang natatanging kultura at tradisyon.