Inihayag ng National Confederation of Transportworkers Union (NCTU), ang matinding pagkadismaya ng mga transport worker sa implementasyon ng Service Contracting Program ng gobyerno na nakatakdang magtapos sa Mayo 22.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Jaime Aguilar, Secretary General ng naturang grupo, bagama’t layunin ng programa na makatulong sa mga driver, operator, transport cooperative at corporation sa gitna ng sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng langis, naging “problematiko” umano ang pagpapatupad nito.
Ipinaliwanag ni Aguilar na bukod sa maliit na porsyento lamang ng mga transport group ang nakasama sa programa, nadagdagan pa ito ng mga polisiyang naging pabigat umano sa mga operator at driver.
Binanggit niya na isa sa mga pangunahing reklamo ng sektor ay ang pagdagdag ng mandatoryong 20 porsiyentong diskwento para sa mga pasahero na nakapaloob sa programa.
Dahil dito, umabot umano sa 40 porsiyento ang discount para sa senior citizens, persons with disability (PWDs), at mga estudyante, habang nagkaroon din ng 20 porsiyentong diskwento ang mga regular na pasahero.
Ayon sa grupo, imbes na makatulong sa mga transport worker na makabawi sa naluluging operasyon dahil sa krisis sa langis, lalo lamang umano silang nabaon sa utang.
Sa kabila nito, nananatiling umaasa ang grupo na maipagpapatuloy ang pagdinig sa Senado hinggil sa panukalang emergency fund at service contracting extension upang mabigyan ng agarang ayuda ang sektor ng transportasyon.










