Sugatan ang isang 89-anyos na senior citizen matapos masangkot sa isang vehicular traffic incident sa kahabaan ng barangay road sa Brgy. Caloocan Sur, Binmaley, Pangasinan.

Batay sa paunang imbestigasyon, minamaneho ng isang 62-anyos na senior citizen mula sa Dagupan City ang kanyang motorsiklo na bumibiyahe mula kanluran patungong silangan patungo sa Brgy. Salapingao nang mangyari ang insidente.

Nakasuot umano ng protective helmet ang driver at may valid driver’s license.

--Ads--

Habang binabaybay ng motorista ang naturang kalsada, napansin nito ang matandang pedestrian na tumatawid ng kalsada patungong timog kaya unti-unti itong kumabig pakaliwa upang makaiwas.

Gayunman, ayon sa ulat, biglang tumahol ang isang asong nakatali sa gilid ng kalsada dahilan upang mapaurong ang pedestrian.

Dahil dito, aksidenteng nabangga ng motorsiklo ang matanda.

Dahil sa insidente, kapwa tumumba sa kalsada ang pedestrian at ang driver ng motorsiklo at nagtamo ng mga pinsala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Agad namang rumesponde ang mga tauhan ng MDRRMO at isinugod ang pedestrian sa Region 1 Medical Center Annex sa Dagupan City habang dinala naman ang driver sa Lingayen District Hospital para sa karampatang lunas.

Nagtamo rin ng pinsala ang sangkot na motorsiklo at dinala ito sa Binmaley Police Station para sa kaukulang disposisyon at imbestigasyon.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa insidente.