DAGUPAN CITY – Patuloy na pinaghahahanap ng Sta. Barbara PNP ang suspek sa pananaksak sa mag-live in partner sa Brgy. Poblacion Norte sa kanilang bayan.
Ayon kay PLt.Col. James Patrick Calibuso, nakilala ang mga biktima na sina Jerome Muelle Dayrit, 39 taong gulang at isang factory worker at si Marie Mae Malanum Juan, 27 anyos at isang cashier.
Aniya, pasado alas-12 ng madaling araw nang inakyat ng suspek ang bahay kung saan nakatira ang mga biktima at pinagsasaksak ang mga ito.
Napag-alaman na ang suspek ay dating karelasyon ng biktimang babae ngunit sa kabilang banda ay matagal nang nagsasama ang mga biktima sa ngayon.
Maaring selos ang nakikitang motibo sa krimen ngunit sa ngayon ay hinahanap pa ang suspek para malaman ang tunay na rason nito sa naturang krimen.
Sa ngayon nakaconfine ang mga biktima sa Pangasinan Provincial Hospital sa Bolingit San Carlos City at nasa stable nang kalagayan ang mga ito.
Nakatakda namang irekumenda na magsampa ang PNP sa prosecutor ng kasong Frustrated Murder.