Dagupan City – Pormal nang sinimulan ng Pamahalaang Panlalawigan ang paghahanap sa susunod na tatanghaling Limgas na Pangasinan 2026.

Ayon kay Maria Luisa Amor-Elduayan, Department Head ng Pangasinan Tourism and Cultural Affairs Office, nakatakdang isagawa ang screening ng mga kandidata sa Pebrero 21 hanggang 22 sa Sison Auditorium.

Inaanyayahan ang mga interesadong kababaihan mula sa iba’t ibang lungsod at bayan ng lalawigan na makiisa at magpasa ng kanilang aplikasyon para sa nasabing patimpalak.

--Ads--

Ang Limgas na Pangasinan ay pinangungunahan ng First Lady ng lalawigan sa pamamagitan ng First Spouses League of Pangasinan, katuwang ang special events team ng probinsya sa paghahanda at pagsasagawa ng mga aktibidad kaugnay ng pageant.

Binibigyang-diin ng pamunuan na ang Limgas ay hindi lamang tungkol sa pisikal na anyo kundi sa pagkakaroon ng layunin at adbokasiya.

Hinihikayat ang mga kababaihang estudyante man o propesyunal, maging yaong nasa labas ng lalawigan ngunit tubong Pangasinan, na gamitin ang kanilang plataporma upang maitaguyod ang kultura, turismo at mga programa ng probinsya.