Dagupan City – Patuloy na nararanasan sa ilang bahagi ng Pangasinan ang mapanganib na antas ng heat index na maaaring magdulot ng heat cramps, heat exhaustion at heat stroke lalo na sa mga matagal na nabibilad sa init ng araw.

Ayon kay Kristine Joy Soriano, spokesperson ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office o MDRRMO Calasiao, mahalagang manatiling nakaantabay ang publiko sa mga advisories na inilalabas ng mga awtoridad.

Pinapayuhan din ang mga residente na magdala ng panangga sa init tulad ng payong at sumbrero gayundin ng sapat na inuming tubig lalo na sa mga kinakailangang lumabas ng bahay.

--Ads--

Sinabi rin ni Soriano na mahalagang mapanatiling hydrated ang katawan upang maiwasan ang dehydration, pagkahilo, panghihina at iba pang heat-related illnesses partikular sa mga bata, senior citizen at mga manggagawang matagal na nakababad sa init ng araw.

Batay sa tala ng PAGASA-Dagupan, umabot sa 46 degrees Celsius ang heat index sa ilang bahagi ng lalawigan na kabilang sa danger category na maaaring magdulot ng heat exhaustion at heat stroke kapag hindi naagapan.

Dahil dito, pinapayuhan ng MDRRMO ang publiko na iwasan ang matagal na pananatili sa ilalim ng araw lalo na mula alas-10 ng umaga hanggang alas-4 ng hapon kung kailan pinakamataas ang init ng panahon.

Hinihikayat din ang pagsusuot ng preskong damit, regular na pagpapahinga at agarang pagpapatingin sa doktor kapag nakaranas ng sintomas gaya ng matinding pagkahilo, pagsusuka at hirap sa paghinga.

Patuloy namang minomonitor ng MDRRMO Calasiao ang sitwasyon upang matiyak ang kaligtasan ng publiko kasabay ng paalala sa mga residente na maging handa at maingat sa gitna ng matinding init ng panahon sa lalawigan.