Isinusulong ngayon ng Sangguniang Panlalawigan ng Pangasinan ang Proposed Provincial Ordinance No. 48-2026 na naglalayong higpitan at tuluyang sugpuin ang ilegal na pagbebenta ng mga residential subdivision at hinating mga lote na walang sapat na permit at hindi sumusunod sa umiiral na mga batas.

Ayon kay Pangasinan Vice Gov. Mark Ronald Lambino, ang presiding officer ng Sangguniang Panlalawigan, naisumite na sa kaukulang komite ang panukala at daraan pa ito sa serye ng mga pagdinig bago tuluyang mapagpasyahan at maaprubahan.

Paliwanag ni Lambino, nabuo ang ordinansa dahil sa talamak na ilegal na bentahan ng lupa, maging sa personal na transaksyon at sa social media, kung saan maraming mamimili ang nalilinlang at nakakabili ng mga loteng kulang o walang legal na dokumento.

--Ads--

Sa ilalim ng panukala, oobligahin ang mga developer na sumunod sa lahat ng national laws at kumuha ng tamang permit bago magbenta.

Kailangan din nilang magbigay ng malinaw na disclosure sa mga buyer hinggil sa legalidad at estado ng proyekto.

Nakapaloob din dito ang pagbuo ng isang Inter-Agency Task Force na magsasagawa ng inspeksyon at magpapatupad ng ordinansa.

Tatalakayin naman sa mga susunod na pagdinig ang mga kaukulang parusa at administrative penalties laban sa mga lalabag.

Pinaaalalahanan din ng mga lokal na pamahalaan ang publiko na makipag-ugnayan muna sa mga tanggapan ng gobyerno bago bumili ng lupa o subdivided lots upang masiguro na lehitimo at may kumpletong papeles ang kanilang transaksyon.

Layunin ng pamahalaang panlalawigan na maprotektahan ang mga mamimili at matiyak ang maayos, ligtas, at legal na pagpapaunlad ng pabahay sa Pangasinan.