Dagupan City – Patuloy na nagpapatupad ng iba’t ibang programa at operasyon ang San Jacinto Municipal Police Station upang mapanatili ang kaayusan, kapayapaan at kaligtasan ng mga residente sa bayan.
Ayon kay PLt. Jiji DG Centino, Admin/WCPD/SCAD/MPPU/Finance/HRAO at Police Community Affairs and Development (PCAD) officer ng San Jacinto Police Station, sa pamumuno ni OIC Police Major Raymundo, nagsasagawa ang kanilang himpilan ng anim na checkpoint kada araw bilang bahagi ng pagpapatibay ng seguridad sa mga pangunahing lansangan at upang makatulong sa pag-iwas sa mga aksidente.
Bukod dito, patuloy ring ipinatutupad ng pulisya ang maximum police presence sa iba’t ibang bahagi ng bayan, kabilang ang mga paaralan, upang matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral, guro at iba pang mamamayan.
Kabilang din sa kanilang mga programa ang traffic management operations upang matulungan ang mga pedestrian at mapanatili ang maayos na daloy ng trapiko, lalo na sa mga matataong lugar.
Nagsasagawa rin ang San Jacinto PNP ng mga barangay visitation at dayalogo sa iba’t ibang barangay upang mapalakas ang ugnayan ng pulisya at komunidad.
Ayon kay Centino, naging malaking katuwang ng kanilang himpilan ang mga barangay sa pagpapatupad ng mga programang pangkapayapaan at pangkaayusan.
Kasama rin sa kanilang kampanya ang pagbisita sa mga paaralan kung saan nagsasagawa ang mga pulis ng information drive at lecture tungkol sa anti-bullying.
Namamahagi rin sila ng mga flyers at leaflets upang higit na mapalawak ang kaalaman ng mga estudyante hinggil sa naturang isyu.
Sa pakikipag-ugnayan sa mga school security personnel at mga punong-guro, tumutulong din ang mga pulis sa inspeksyon ng mga gamit ng mga estudyante bilang bahagi ng mga hakbang upang mapanatili ang seguridad sa loob ng mga paaralan.
Ayon kay Centino, halos lahat ng paaralan sa San Jacinto ay regular na binibisita ng mga pulis, lalo na ng mga personnel na nakatalaga sa fixed visibility posts na malapit sa mga paaralan.
Bukod sa anti-bullying campaign, patuloy ring nagpapaalala ang San Jacinto PNP sa mga estudyante at motorista tungkol sa pagsusuot ng helmet at pagsunod sa mga batas-trapiko upang maiwasan ang aksidente at mapanatili ang kanilang kaligtasan.










