Dagupan City – Sinibak sa kanilang puwesto ang Provincial Director ng Pangasinan Police Provincial Office at 10 iba pang opisyal ng pulisya matapos mabigong masugpo ang illegal na sugal sa lalawigan
Inilipat ang mga ito mula sa Police Regional Office 1 (PRO1) patungong Police Holding and Accounting Unit (PHAU) at Directorate for Personnel and Records Management (DPRM).
Kabilang sa mga inalis sa puwesto ang isang Police Colonel, limang Police Lieutenant Colonel, tatlong Police Major, at dalawang Police Captain kung saan 8 dito ay mga Chief of Police.
Inisyu ang utos ni Police General Nartatez Jr. at kinumpirma ng Philippine National Police (PNP) spokesperson PBGen. Randulf T. Tuaño.
Ang pag-alis sa puwesto ng mga opisyal ay sumunod matapos ang serye ng mga operasyon laban sa ilegal na sugal na isinagawa ng NBI, na nagresulta sa maraming pag-aresto sa iba’t ibang bahagi ng Pangasinan na umabot sa 170 na pagkakaaresto ng mga indibidwal.
Sa Lungsod ng San Carlos, arestado ang 49 na mga akusadong financier at operator.
Sa bayan ng Rosales, 40 na suspek ang ikinulong, kabilang ang isang dating konsehal ng munisipyo at isang dating municipal administrator.
Sa Calasiao naman, 34 na indibidwal na kinikilala bilang tauhan at operator ng jueteng ang arestado, habang 31 na suspek naman ang nahuli sa Lungsod ng Urdaneta at sa bayan ng Manaoag, 25 naman ang inaresto.
Samantala, hindi pa inilalabas ng mga awtoridad ang mga tiyak na pagkukulang ng mga inalis sa puwesto na opisyal dahil nagpapatuloy parin ang pagsisiyasat sa ilegal na network ng sugal at mga posibleng pagkabigong maipatupad ang batas laban dito.










