Abala sa serye ng mga forum, talakayan at pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang paaralan ang Project Gunita bilang paghahanda sa kanilang pakikibahagi sa Trillion Peso March na gaganapin sa Pebrero 25, kasabay ng ika-40 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Atty. Josiah David Quising, co-founder ng Project Gunita, sinabi nitong layunin ng kanilang grupo na gawing mas malalim at mas aktibo ang paggunita sa EDSA ngayong taon.
Ayon kay Quising, nakalinya ang kanilang mga aktibidad sa mga susunod na araw, kabilang ang online educational discussion kasama ang Cebu Normal University, mga speaking engagement sa University of the Philippines Diliman, at pakikipagtalakayan sa Ateneo de Manila University.
Aniya, mahalaga ang direktang pakikipag-usap sa mga estudyante upang maipaliwanag ang kahalagahan ng People Power at ang patuloy nitong implikasyon sa kasalukuyang panahon.
Sa mismong Pebrero 25, makikibahagi ang Project Gunita sa opisyal na seremonya ng pag-aalay ng bulaklak sa People Power Monument na pangungunahan ng National Historical Commission of the Philippines.
Magkakaroon din sila ng booth sa hapon bilang bahagi ng mas malawak na programa ng Trillion Peso March, kasama ang iba pang organisasyon na naglalayong panatilihing buhay ang diwa ng EDSA.
Binigyang-diin ni Quising na ang ika-40 anibersaryo ng EDSA ay hindi lamang simpleng selebrasyon kundi isang aktibong pag-alala sa kabayanihan ng sambayanang Pilipino.
Aniya, bagama’t kinikilala ang mga nakamit ng bansa mula 1986 tulad ng pagpapatibay ng 1987 Constitution at pagpapalawak ng ilang demokratikong espasyo nanatili pa rin ang ilang isyu gaya ng korapsyon, paglabag sa karapatang pantao at kakulangan sa pananagutan ng ilang opisyal ng pamahalaan.
Nagpahayag din siya ng pagkadismaya sa pagdedeklara ng Pebrero 25 bilang special working holiday sa halip na regular non-working holiday.
Gayunpaman, nakita umano niya ang positibong epekto nito matapos kusang magdeklara ng suspensyon ng klase ang ilang paaralan at mag-organisa ng mga aktibidad para sa mas makabuluhang paggunita.
Para kay Quising, mahalagang maging bahagi ng learning process ng mga kabataan ang mas malalim na pagtalakay sa kasaysayan ng EDSA hindi lamang kung ano ang nangyari noong 1986 kundi kung bakit ito nangyari at anu-anong mga suliranin ang nananatiling umiiral hanggang sa kasalukuyan.










