DAGUPAN CITY- Mahalaga sa katawan ng isang tao ang pagkakaroon ng sapat na tulog at malaking bagay din ang kakulangan ng tulog, ayon sa isang eksperto.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Dr. Glenn Soriano, US Doctor & Natural Medicine Advocate, bahagi ng sleep disorder ang sleep deprivation kung saan hindi nakakakuha ng sapat na tulog ang isang indibidwal.

Aniya, umaabot sa 6-8 oras ang kabuoang tulog na kinakailangan ng isang tao -hindi paputol-putol kundi deretsong tulog.

--Ads--

At kinakailangan na kabilang rito ang halos 2 oras na deep sleep o malalim na tulog.

Hindi pa rin sapat sa katawan ang nasabing bilang ng oras kung paputol-putol ito.

Ang sleep deprivation ay nakukuha mula sa iba’t ibang aspeto kabilang na ang pabago-bagong schedule sa trabaho o di naman ay paglipat sa night shift.

Nakakapekto rin ang sikolohikal tulad ng stress at pagkakaroon ng sakit.

Ayon pa kay Dr. Soriano na isa sa hindi kilalang sanhi ng kakulangan ng tulog ay ang malnutrition dahil sa hindi nakakagawa ng sapat na melatonin ang katawan.

Kaniyang bingiyan linaw na isang uri ng sleep deprivation ang Insomnia o ang hirap makatulog kahit pilitin pa.

Ang taong kulang sa tulog (sleep deprived) ay nakakaramdam pagod kahit pa man na bagong gising ito.

Magreresulta naman ito sa hindi maayos na pag-iisip at konsentrasyon, bagay na delekado kapag nagmamaneho ang isang indibidwal.

Bukod pa riyan, buong araw din ito makakaramdam ng pagkaantok.

Hindi naman inirerekomenda ni Dr. Soriano ang regular na paggamit ng sleeping pills at mas mabuting paminsan-minsan lamang, sa panahon na kinakailangan lamang.

Binigyan linaw niya na kailangan sanayin ang katawan sa routine ng pagtulog, ngunit hindi ito madali sapagkat kadalasan ay umaabot ito ng ilang linggo hanggang buwan bago masanay, tulad ng mga night shift ang trabaho.

Makakatulong kung maghahanap ng lugar kung saan walang ingay at may sapat na dilim.

May ibang tao rin na nakatutulong ang musika para makatulog.

Iwasan naman ang mga bagay na nagpapawala ng antok, tulad ng pag inom ng kape.

Dagdag pa niya, ang pag-manage ng stress at regular na pag-eehersisyo ay nakatutulong para malabanan ang sleep deprivation.