Binatikos ng grupong Bantay Bigas ang ipinatutupad na price cap ng Department of Agriculture (DA) sa imported rice, iginiit na hindi nito tunay na nareresolba ang mataas na presyo ng bigas at iba pang pangunahing bilihin sa merkado.
Sa panayam kay Cathy Estavillo, spokesperson ng Bantay Bigas, sinabi nitong nananatiling mabigat para sa ordinaryong mamamayan ang itinakdang presyo ng imported rice kahit pa ibinaba ito sa ₱50 kada kilo.
Ayon kay Estavillo, una nang inanunsyo ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. noong Marso ang ₱55 kada kilo na price cap sa imported rice bago ito muling ibaba sa ₱50 kada kilo ngayong linggo.
Iginiit din niya na kahit may price cap, ang mga retailer pa rin umano ang nasusunod sa aktuwal na presyo sa merkado.
Nagbabala rin ang Bantay Bigas na maaaring umabot sa ₱62 kada kilo ang presyo ng regular milled rice pagsapit ng Setyembre dahil sa epekto ng pagtaas ng presyo ng langis, abono, pestisidyo, at banta ng El Niño.
Ayon kay Estavillo, dapat umanong mas paigtingin ng gobyerno ang direktang pagtugon sa tumataas na gastos sa produksyon kaysa puro datos at projection lamang.
Binanggit din niya na umaabot na sa ₱2,800 ang presyo ng isang bag ng abono at posibleng pumalo sa ₱3,000 sa mga susunod na buwan.
Nanawagan din ang grupo na ibasura ang excise tax at value-added tax (VAT) sa langis at iba pang produktong ginagamit sa agrikultura upang mapababa ang gastos ng mga magsasaka.
Ayon pa kay Estavillo, limitado lamang umano ang benepisyo ng murang bigas sa Kadiwa centers dahil piling sektor lamang ang nakikinabang dito at kinakailangan pang dumaan sa online registration system.
Dagdag pa niya, kahit madaling araw pa lamang ay mahaba na umano ang pila sa mga Kadiwa center ngunit nananatili pa ring mataas ang presyo ng bigas sa mga palengke, lalo na sa mga malalayong lugar.
Kaugnay naman ng pagbabago sa pamunuan ng mga komite sa Senado at Kongreso, nagpahayag ng pangamba ang Bantay Bigas sa posibleng epekto nito sa usapin ng agrikultura at seguridad sa pagkain.
Bagama’t hindi detalyado ang naging pahayag ni Estavillo hinggil dito, sinabi niyang mahalagang manatiling prayoridad ng pamahalaan ang kapakanan ng mga magsasaka at mamimili sa gitna ng tumitinding problema sa presyo ng pagkain.










