Dagupan City – Patuloy ang pagpapatupad ng traffic management operations ng Public Order and Safety Office Binmaley sa kabila ng nararanasang matinding init ng panahon sa bayan ng Binmaley.
Ayon kay Roberto Segundo, hindi naman gaanong nakakaranas ng mabigat na trapiko sa kasalukuyan dahil hindi pa nagsisimula ang klase ng mga estudyante.
Gayunman, sinabi nito na tuloy-tuloy pa rin ang deployment ng mga POSO personnel sa iba’t ibang lugar sa bayan upang mapanatili ang maayos na daloy ng trapiko at kaligtasan ng mga motorista at pedestrian.
Ipinaliwanag din ni Segundo na may kanya-kanyang poste ang mga traffic enforcers at kahit mainit ang panahon ay nagpapatuloy pa rin ang kanilang buong araw na deployment. Kapag kinakailangan ay pansamantala silang pumupunta sa malilim na bahagi upang makaiwas sa matinding init bago muling bumalik sa kanilang pwesto.
Sa usapin naman ng mga insidente sa kalsada, tiniyak ng POSO na agad silang tumutugon at nakikipag-ugnayan sa Philippine National Police Binmaley para sa mabilis na aksyon.
Nagpaalala rin si Segundo sa mga motorista, partikular sa mga biyahero, na maghinay-hinay sa pagmamaneho upang maiwasan ang aksidente at mapanatili ang kaligtasan ng bawat isa sa lansangan.
Binigyang-linaw din nito na ang mga tauhan ng POSO Binmaley ay nakatalaga lamang sa bahagi ng Poblacion habang ang mga kapulisan naman ang nagbabantay sa iba pang pangunahing kalsada sa bayan.










