Dagupan City – Patuloy na binibigyan ng paalala ng AutoPro Pangasinan ang mga jeepney drivers na ingatan ang kanilang kalusugan ngayong tag-init para maiwasan ang mga sakit na dulot ng matinding init lalo’t karamihan sa mga ito ay may edad na.
Ito ay matapos ang naitalang dalawang kaso ng heat stroke na naganap sa mga drayber sa Calasiao at Dagupan noong nakaraang taon.
Ayon kay Bernard Tuliao, presidente ng AutoPro Pangasinan, sa kasalukuyan ay wala pang naiulat na kaso ng heat-related illnesses sa kanilang mga miyembro dahil sa mga paalala na ibinibigay nila.
Binibigyang-diin niya na mula alas10 ng umaga hanggang alas3 ng hapon ay ang pinakamainit lagay ng araw, kaya iminumungkahi nilang magpahinga muna ang mga drayber sa mga oras na ito, magdala ng sapat na tubig, at gumamit ng basang panyo para maibsan ang init ng katawan.
Hiniling din ni Tuliao sa mga lokal na pamahalaan, at ilang miyembro sa sektor ng kalusugan na magkaroon sana ng medical Check up o mission para sa mga drayber upang matugunan ang mga sakit na posible nilang maranasan.
Saad niya na nauna kasi nitong request ay sa mga ahensya ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), Land Transportation Office (LTO), at iba pang kaugnay na ahensya para sa pagbibigay naman ng impormasyon sa mga drayber tungkol sa mga alituntunin sa batas trapiko para maiwasan ang mga aksidente.
Sinabi ni Tuliao na makikipag-ugnayan din ito sa mga non-government organization (NGO) para mapalawak pa ang suporta sa mga drayber lalo na sa kanilang kalusugan dahil hindi biro ang kanilang mga trabaho sa ganitong mga panahon.









