Pinaghahandaan na ng mga motorista ang posibleng malaking pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo sa susunod na linggo.
Batay sa datos noong Marso 5 at sa unang tatlong araw ng kalakalan sa pandaigdigang merkado, tinatayang tataas ang presyo ng mga produktong petrolyo kada litro tulad ng sumusunod:
Diesel – maaaring tumaas ng humigit-kumulang ₱15.00 kada litro
Gasolina – posibleng madagdagan ng ₱7.00 kada litro
Kerosene – maaaring umakyat ng hanggang ₱28.00 kada litro
Gayunman, may natitira pang mga araw ng kalakalan na maaaring magpababa o magpataas pa sa inaasahang paggalaw ng presyo.
Ayon sa Department of Energy (DOE), pinag-aaralan ng ahensya ang posibilidad na hatiin o ipatupad nang paunti-unti ang pagtaas ng presyo sa loob ng ilang araw o linggo, sa halip na ipatupad ito nang sabay-sabay.
Layunin nitong mabawasan ang biglaang epekto ng pagtaas sa mga mamimili.
Sinabi ni Energy Secretary Sharon Garin na maglalabas ang DOE ng anunsyo sa katapusan ng linggo kung paano ipatutupad ng mga kumpanya ng langis ang tinatawag na “staggered” o paunti-unting pagtaas ng presyo.
Pagdedesisyunan pa ng pamahalaan at ng mga oil firm kung ang pagtaas ng presyo ay ipatutupad sa loob ng ilang linggo o kung sa loob lamang ng isang linggo ito ipapatupad.
Inaasahang mailalabas ang pinal na desisyon sa darating na weekend.










