Nakatakdang simulan bukas Lunes, Marso 2, ang pormal na pagtalakay sa apat na magkakahiwalay na impeachment complaint na inihain laban kay VP Sara Duterte.
Ang mga reklamo, na nagmula sa iba’t ibang grupo at indibidwal, ay sasailalim muna sa pagsusuri ng House Committee on Justice upang alamin kung ang mga ito ay may sapat na porma at substansya alinsunod sa itinatadhana ng Konstitusyon at umiiral na mga panuntunan ng Kamara.
Bahagi ito ng unang yugto ng proseso ng impeachment na inilalatag ng 1987 Constitution.
Sa ilalim ng Saligang Batas, ang impeachment laban sa mga matataas na opisyal ng pamahalaan, kabilang ang pangalawang pangulo, ay dapat munang ihain at talakayin sa Kamara de Representantes.
Susuriin ng komite kung ang mga reklamong inihain ay may sapat na batayan upang umusad sa susunod na hakbang.
Kapag napag-alamang may sapat na batayan ang isa o higit pa sa mga reklamo, maaari itong iakyat sa plenaryo para sa botohan ng mga miyembro ng Kamara.
Sa oras na maipasa sa Senado, magsisilbi itong impeachment court na siyang magsasagawa ng paglilitis.
Doon pagtitibayin kung may sapat na ebidensya upang mapatunayang nagkasala ang akusadong opisyal.
Kapag napatunayang nagkasala, maaaring matanggal sa puwesto at mawalan ng karapatang humawak ng anumang posisyon sa pamahalaan ang nasabing opisyal.








