Dagupan City – Huli sa CCTV ang isang babaeng hinihinalang sangkot sa magkahiwalay na insidente ng pagnanakaw matapos umano nitong pasukin ang mga bahay at tangayin ang mahahalagang gamit sa ilang barangay sa bayan ng Sta. Barbara.
Napag-alamang nawawala ang dalawang cellphone na tinatayang nagkakahalaga ng ₱12,000.
Pansamantala umanong pumasok ang biktimang pamilya sa silid upang magpahinga matapos kumain.
Kalaunan, napansin ng anak na nawawala ang kanyang cellphone kaya’t sinuri ang CCTV, kung saan nakita ang pagpasok ng suspek sa pamamagitan ng bintana at pagpunta sa kusina.
Sa hiwalay na insidente, namataan din ang kaparehong babae na tumigil sa harap ng isang bahay habang may hawak na papel.
Kumatok pa ito sa railing ng pinto ngunit nang walang sumagot, nagtungo sa isang nakaparadang motorsiklo at tinangkang buksan ang compartment bago muling bumalik at pumasok sa loob ng bahay.
Makalipas ang ilang sandali ay mabilis na lumabas ang babae.
Nang makasalubong ang may-ari ng bahay, iginiit umano ng suspek na pumasok lamang siya upang humingi ng tulong at ipinakita ang hawak na papel.
Dahil sa sunod-sunod na insidente, nagbabala ang barangay council sa mga residente hinggil sa modus ng suspek na nagpapanggap na humihingi ng tulong o limos gamit ang isang papel.
Kapag nakakita umano ng pagkakataon, saka ito nagnanakaw ng mga gamit sa loob ng bahay.
Pinaalalahanan din ng mga awtoridad ang publiko na maging mapagbantay, lalo na sa kasalukuyang panahon ng krisis kung saan tumataas ang bilang ng ganitong uri ng krimen.










