Mas pinaigting ng Pamahalaang Panlalawigan ng Pangasinan ang kahandaan sa pagtugon sa kalamidad matapos itayo ang kauna-unahang Collapsed Structure Search and Rescue o CSSR Training Facility sa bayan ng Burgos dito sa lalawigan ng Pangasinan.

Layunin ng naturang pasilidad na magsilbing pangunahing sentro ng pagsasanay para sa mga local responders, kabilang ang mga rescue units, disaster response teams, at iba pang frontliners sa lalawigan.

Sa pamamagitan nito, inaasahang mas mapapalawak ang kaalaman at kakayahan ng mga responder sa tamang paghahanap at pagsagip ng mga biktima sa mga insidenteng may kinalaman sa gumuhong mga gusali at iba pang istruktura dulot ng kalamidad tulad ng lindol at malalakas na bagyo.

--Ads--

Ayon kay Office of the Civil Defense o OCD Region 1 Regional Director Laurence Mina, malaking tulong ang proyektong ito upang mapabilis at mapahusay ang operasyon ng mga responder lalo na sa oras ng emergency.

Aniya, sa pamamagitan ng pasilidad ay magkakaroon ng mas sistematikong pagsasanay ang mga responder sa paggamit ng specialized equipment, tamang rescue procedures, at mas epektibong koordinasyon sa gitna ng mapanganib na operasyon.

Pinasalamatan din ni Mina ang Pamahalaang Panlalawigan ng Pangasinan sa pangunguna ni Governor Ramon “Monmon” Guico III sa patuloy nitong suporta sa mga programang nakatuon sa disaster preparedness at response capability ng lalawigan.

Dagdag pa niya, sa pamamagitan ng kauna-unahang CSSR Training Facility, mas magiging handa ang mga responder sa pagliligtas ng buhay at pagbibigay ng agarang tulong sa panahon ng sakuna.