Dagupan City – Tinawag ng political analyst na kulang sa sense of urgency ang mga mambabatas kaugnay sa kasalukuyang krisis sa bansa.
Ayon kay Atty. Michael Henry Yusingco, imbes na agarang ‘recovery plan’ ang ipatupad, tila ‘response plan’ ang tugon ng mga opisyal.
Dito na binigyang-diin ni Yusingco na umaabot sa humigit-kumulang ₱700 milyon kada taon ang nawawala, na aniya’y maaaring maiwasan kung hindi nauuwi sa korapsyon ang pondo.
Kung maayos sana aniya umano itong nagagamit, maaari nang makapagtayo ang bansa ng strategic oil reserves at may matitira pang hanggang ₱500 milyon bawat taon.
Iginiit din niya na hindi pa rin natututo ang bansa mula sa matagal nang pagdepende sa inaangkat na langis, na siyang ugat ng kasalukuyang suliranin. Dahil dito, patuloy umanong umaasa ang Pilipinas sa iisang pinagkukunan ng suplay.
Ayon pa kay Yusingco, kinakailangan nang maging self-sufficient ang bansa sa enerhiya.
Aniya, dapat na noong 2022 pa ay sinimulan na ng pamahalaan ang mas seryosong pag-aaral at pagpapatupad ng alternatibong pinagkukunan ng enerhiya tulad ng renewable energy, nuclear power, at paggamit ng mga electric vehicle.
Dagdag pa niya, mahalagang makita ng mga botante ang ganitong mga isyu, dahil aniya’y mas inuuna ng ilang halal na opisyal ang pamumulitika kaysa tugunan ang pangangailangan ng bansa.
Binanggit din ng analyst na anim na linggo na umanong umiiral ang krisis, ngunit tila itinatanggi pa rin ng pamahalaan ang tunay nitong kalagayan.
Para kay Yusingco, sumasalamin ito sa kalidad ng serbisyong naibibigay ng mga inihalal ng publiko.
Kaugnay nito, inilarawan niya ang tugon ng administrasyong Marcos bilang limitado sa pamamahagi ng ayuda, at kulang sa konkretong hakbang upang solusyunan ang mismong krisis sa enerhiya.
Nakikita rin umano niya ang posibleng pagtatangkang pagtakpan ang kakulangan, sa halip na tugunan ang ugat ng problema—ang pagdepende sa imported na langis.
Binigyang-diin niya na dapat magkaroon ng malinaw at konkretong plano upang harapin ang krisis, at kung muling ipatutupad ang mga programang tulad ng Bayanihan, kinakailangan itong samahan ng masusing pag-aaral at paghahanda para sa mga darating pang krisis.










