Dagupan City – Patuloy na pinaigting ng Binmaley Municipal Police Station ang kampanya laban sa illegal gambling sa bayan ng Binmaley upang mapanatili ang kaayusan at maiwasan ang masamang epekto nito sa mga residente.

Ayon kay PLtCol Lister A. Saygo, hindi pinapayagan ng kanilang tanggapan ang anumang uri ng ilegal na pasugalan sa bayan. Binigyang-diin nito na buwan-buwan ay may naitatalang accomplishments ang kanilang himpilan kaugnay ng mga operasyon laban sa illegal gambling.

Kabilang sa tinututukan ng pulisya ang mga ilegal na aktibidad tulad ng drop ball, color games, at bookies. Aniya, intelligence-driven ang lahat ng operasyon ng PNP Binmaley kung saan agad nilang inaaksyunan ang anumang impormasyong natatanggap hinggil sa ilegal na pagsusugal.

--Ads--

Mula Enero hanggang Abril ngayong taon, ilang operasyon na rin umano ang naisagawa ng pulisya na nagresulta sa pagsasampa ng kaso laban sa mga nahuling sangkot sa illegal gambling.

Dagdag pa nito, agad silang nagde-deploy ng mga tauhan sa oras na makatanggap ng impormasyon hinggil sa umano’y operasyon ng illegal bookies sa bayan. Tanging legal na Small Town Lottery lamang na kinikilala sa Binmaley ang kanilang sinusuportahan.

Sa kasalukuyan, wala pa umanong natatanggap na impormasyon ang pulisya hinggil sa aktibong operasyon ng illegal bookies sa bayan, ngunit patuloy pa rin ang monitoring ng kanilang Intelligence Section upang matiyak na mapipigilan ang anumang uri ng ilegal na pasugalan.

Nanawagan din ang opisyal sa publiko na makiisa sa kampanya ng pulisya sa pamamagitan ng pagbibigay ng impormasyon laban sa illegal gambling at pag-iwas sa anumang ilegal na aktibidad.

Binigyang-diin din nito na malaking epekto ang naidudulot ng ilegal na pagsusugal sa pamilya at kabuhayan ng isang tao dahil nauuwi lamang umano sa pag-aaksaya ng pera at pagkasira ng buhay ng ilan.