Dagupan City – Hinigpitan ng Binmaley Police Station ang pagpapatupad ng ordinansa kaugnay sa pagsusuot ng high visibility reflective vest ng mga rider sa oras ng gabi bilang bahagi ng pagpapaigting ng kaligtasan sa kalsada.

Sa panayam kay PLtCol. Lister A. Saygo, OIC ng PNP Binmaley, sinabi nito na bagama’t naipatupad na noon ang naturang patakaran, mas paiigtingin ngayon ang implementasyon lalo na sa mga pangunahing lansangan ng bayan upang maiwasan ang aksidente.

Batay sa Municipal Ordinance na inaprubahan ng Sangguniang Panlalawigan, inaatasan ang lahat ng nagmamaneho ng motorsiklo, tricycle, bisikleta, e-bike at e-trike na magsuot ng reflective vest o anumang maliwanag na kasuotan habang bumibiyahe sa mga kalsada ng Binmaley mula alas-6 ng gabi hanggang alas-6 ng umaga.

--Ads--

Saklaw ng ordinansa ang lahat ng rider na dumaraan sa mga pangunahing daan ng bayan at may kaakibat na parusa ang mga lalabag dito.

Hinihikayat ng PNP Binmaley ang publiko na makiisa at sumunod sa naturang patakaran upang matiyak ang kaligtasan at kaayusan sa mga lansangan ng bayan.