Puspusan na ang paghahanda ng delegasyon ng Region 1 para sa opisyal na pagbubukas ng Palarong Pambansa 2026 sa darating na Linggo, Mayo 24, sa lalawigan ng Agusan del Sur.

Sa isang panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Cesar Bucsit, Chairperson ng Media and Communication/Documentation Committee, ibinahagi nito na magtatala ng kasaysayan ang Palaro ngayong taon dahil sa mga bagong inobasyon gaya ng fully air-conditioned billeting quarters para sa mga atleta at pagkakaroon ng centralized awarding ceremony para sa mga gold medalist.

Sa kasalukuyan, nasa 80% na ng kabuuang delegasyon ng Region 1 ang nakarating na sa kanilang biliting schools sa Bayugan Central Elementary School at Salvacion National High School. Inaasahang mabubuo ang mahigit 800 miyembro ng delegasyon—na kinabibilangan ng 631 atleta at 139 coaching staff—sa loob ng susunod na araw.

--Ads--

Tiniyak ni Bucsit na prayoridad ang kapakanan ng mga bata sa gitna ng matinding init na umaabot sa 40°C hanggang 43°C. Bukod sa mga air-conditioned na kwarto, may mga nakahanda ring 24-hour standby vans para sa transportasyon patungo sa 42 playing venues upang maiwasan ang pagkabilad sa araw. May sarili ring food committee at mga piling kusinero ang Region 1 upang masigurong bago at masustansya ang kinakain ng mga atleta.

Nagpatupad ng mahigpit na seguridad sa mga biliting area kung saan kinakailangan ang ID at pag-logbook sa pagpasok at paglabas. Binantayan din ng 24 oras ng mga personnel at Barangay Peacekeeping Action Team (BPAT) ang mga pasilidad. Binigyang-diin ni Bucsit na hindi papayagang lumabas ang mga atleta nang walang pahintulot o kasamang coach at trainer upang matiyak ang kanilang kaligtasan.

Ang ultimate goal ng Region 1 ngayong taon ay malampasan ang kanilang medal standing noong 2025. Nakatuon ang pansin ng rehiyon sa mga larong Badminton at Swimming, kung saan target nilang maging Hall of Fame matapos ang sunod-sunod na pagkapanalo ng ginto sa nakalipas na dalawang taon.