Nakatakdang katawanin ng USAD Pangasinan Varsity Association Inc. ang Pilipinas sa gaganaping Perlis International Invitational Volleyball Championship 2026 sa Perlis, Malaysia ngayong darating na Mayo 29 hanggang 31.
Dalawang koponan ang isasabak ng asosasyon: ang Usad Pilipinas Juniors at ang Usad Pangasinan Seniors na binubuo ng mga college students, nagtatrabaho, at mga professional players. Ayon kay Mark Christian Jay Rafanan, ang sports coordinator ng koponan, nakuha nila ang imbitasyon matapos ang kanilang matagumpay na kampanya sa South Korea noong Pebrero kung saan nakalaro nila ang isang Malaysian team na nag-alok sa kanila ng slot sa liga.
Sa panayam nina Mark Kevin Montemayor, John Maru Takeda, at John Denver Caridad, ibinahagi nila ang kanilang puspusang pag-eensayo. Sa kabila ng hamon ng mainit na panahon at layo ng pinagmumulan ng ilang players, binigyang-diin nina Takeda at Caridad na ang kanilang 100% na pokus at disiplina ay nakatuon sa pagpapataas ng antas ng kanilang laro para makasabay sa mga international standards, lalo na’t makakaharap nila ang mga players at spikers mula sa ibang bansa.
Ipinagmalaki ng management na walang kahit isang sentimo ang ginagastos ng mga manlalaro para makasali sa kompetisyong ito. Sa tulong ng Interconnected Business Process Inc., Elvino Companero Bar and Cafe, at ng mismong asosasyon, sagot na nila ang lahat ng pangunahing gastusin tulad ng training gear, pagkain, accommodation, transportasyon sa pamamagitan ng carpooling at reimbursement ng pamasahe, pati na rin ang pagproseso ng passport at DSWD travel clearance para sa mga menor de edad na kalahok.
Ayon kay Montemayor, na isang student-athlete mula sa San Beda University, napakalaking tulong nito para sa kanyang pamilya dahil hindi na niya kailangang intindihin ang gastusin sa pag-uwi sa Pangasinan para sa training.
Nakatakdang umalis ang delegasyon sa Mayo 26 at babalik sa Hunyo 3. Bukod sa tatlong araw na tournament, may nakalaan ding limang araw para sa mga tune-up games at tour sa Malaysia bilang bahagi ng kanilang karanasan. Naghanda na rin ang management para sa pagsasaayos ng pagkain (dahil sa Muslim-dominated culture ng Malaysia) at pagdadala ng light clothings para maiwasan ang heat exhaustion.
Sa huli, nag-iwan ng mensahe ang mga manlalaro para sa mga aspiring athletes na huwag susuko at panatilihin ang disiplina sa sarili sa kabila ng mga pagsubok.










