Fare hike still not enough -PISTON

DAGUPAN CITY—Nalulugi na umano ang mga tsuper at operator ng pampublikong transportasyon dahil sa tuloy-tuloy na pagtaas ng presyo ng langis ngayong taon, ayon kay Mody Floranda, pangulo ng Pagkakaisa ng Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide o PISTON.

Sa panayam sa Bombo Radyo Dagupan, sinabi ni Floranda na nagsimula na ang sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng krudo kahit bago pa ang umiinit na tensyon sa Gitnang Silangan, kabilang ang mga pag-atake ng Estados Unidos at Israel laban sa Iran. Dahil dito, ayon sa kanya, patuloy na nababawasan ang kinikita ng mga tsuper at operator mula pa sa simula ng 2026.

Iginiit din ni Floranda na hindi na kailangan pang amyendahan ang Oil Deregulation Law. Para sa kanya, mas mainam itong tuluyang ibasura dahil sa loob ng 28 taon ng pagpapatupad nito ay wala umano itong naidulot na benepisyo sa mga tsuper, operator, at maging sa mga commuter.

--Ads--

Aniya, ang naging pangunahing epekto lamang ng batas ay ang pagbibigay ng malayang kapangyarihan sa malalaking kumpanya ng langis upang magtakda ng galaw ng presyo ng fuel sa bansa.

Binanggit din ni Floranda ang pahayag ng Department of Energy na may sapat na suplay ng fuel ang bansa upang mapanatiling normal ang operasyon ng ekonomiya sa loob ng hindi bababa sa 50 araw. Sa kabila nito, kinuwestiyon niya kung bakit patuloy ang lingguhang pagtaas ng presyo ng langis sa bansa.

Ayon sa kanya, isa sa mga dapat pagtuunan ng pansin ay ang paggamit ng sariling reserba ng enerhiya ng bansa, tulad ng Malampaya Gas Field. Gayunman, sinabi niyang walang malinaw na programa o konkretong hakbang ang pamahalaan upang gawing sustenable at mapakinabangan ng publiko ang naturang mga likas na yaman.

Dagdag pa niya, isa sa mga panawagan ng kanilang grupo ay ang gawing pagmamay-ari ng gobyerno ang malalaking kumpanya ng langis.

Ayon kay Floranda, posible ang ganap na kalayaan ng bansa mula sa pagdepende sa imported na langis kung magkakaroon lamang ng malinaw at konkretong programa ang pamahalaan.

Upang maibsan ang inaasahang dagdag-pasanin sa sektor ng transportasyon, sinabi ni Floranda na magsasagawa ang kanilang grupo ng ilang pagkilos.

Kabilang dito ang panawagan na alisin ang Oil Deregulation Law, pati na ang fuel excise tax at value-added tax (VAT) sa langis. Ayon sa kanya, makikiisa rin sila sa isang protesta kasama ang Sektor ng Kababaihan.

Sa Lunes, nakatakda ring magsagawa ng protesta sa East Avenue ang kanilang hanay upang ipanawagan ang pagtugon sa umano’y labis na pagtaas ng presyo ng fuel.

Samantala, sa Martes ay inaasahang maglulunsad ng panibagong protesta sa Malacañang Palace ang iba’t ibang sektor, kasabay ng planong transport strike.

Sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis, sinabi rin ni Floranda na pinag-aaralan ng kanilang grupo ang paghiling ng taas-pasahe upang mapanatili ang kabuhayan ng mga tsuper at operator.