Dagupan City – Inamin ni Binmaley Mayor Pedro “Pete” A. Merrera III na patuloy na hamon sa kanilang bayan ang pangongolekta ng basura dahil sa kakulangan ng mga garbage truck na nagseserbisyo sa 33 barangay ng munisipalidad.
Ayon sa alkalde, kabilang sa mga barangay na may pinakamalaking volume ng basura ang Gayaman, Malindong, Poblacion, Caloocan Norte, at Caloocan Sur.
Aniya, umaabot sa dalawa hanggang tatlong dump truck ng basura kada linggo ang nalilikom sa mga ito, habang mas mataas pa ang dami sa ilang mataong lugar.
Ipinaliwanag ni Merrera na tatlo lamang ang kasalukuyang garbage truck ng lokal na pamahalaan, dahilan upang mahirapan silang makasabay sa dami ng basurang kailangang kolektahin araw-araw.
Dagdag pa niya, nakaaapekto rin sa operasyon ang pagkasira ng mga sasakyan, pagkaka-flat ng gulong, at iba pang problemang teknikal na nagdudulot ng pagkaantala sa koleksyon.
Bukod dito, sinabi ng alkalde na may mga pagkakataong nagkakasakit ang mga driver at personnel na nakaatas sa waste collection, na lalo pang nagpapabigat sa sitwasyon.
Binigyang-diin ni Merrera na patuloy namang naghahanap ng solusyon ang pamahalaang bayan upang mapabuti ang sistema ng pangongolekta ng basura at matugunan ang lumalaking dami ng waste materials sa komunidad.
Hiniling din niya ang pang-unawa at pakikiisa ng mga residente habang patuloy na tinutugunan ng lokal na pamahalaan ang mga hamon sa waste management sa Binmaley.










