Nagpahayag ng pakikiramay at mahahalagang paalala si Kent Brian Delos Celeste, isang student-athlete mula sa Virgen Milagrosa University Foundation Inc. (VMUF), hinggil sa malungkot na sinapit ng mga manlalaro ng Ateneo de Manila University (ADMU) sa isang panayam sa Bombo Radyo Dagupan.
Ayon kay Celeste, lubhang nakakalungkot ang nangyari dahil sa laki ng potensyal ng mga nasabing kabataang atleta na agad na napatid. Ibinahagi niya na sa kanyang karanasan, ang mga team building ay karaniwang ginagawa bilang “reward” o paraan upang mag-relax ang mga manlalaro matapos ang isang malaking kaganapan, at kadalasan ay wala itong kasamang mabibigat na training.
Bagama’t kinilala niya na ang uri ng training ng Ateneo ay nakatutulong sa pagpapatatag ng lakas ng mga manlalaro, binigyang-diin ni Celeste ang panganib na dala ng pagsasagawa ng “conditioning phase” sa mga dagat. Aniya, ang kawalan ng stability ng apakan sa dagat ay nagdudulot ng panganib sa kaligtasan ng mga manlalarong nagsasagawa ng ensayo.
Sinegundahan ni Celeste ang payo ng ilang eksperto na mas mainam at mas ligtas kung ang mga ganitong pagsasanay ay isasagawa sa loob ng isang “controlled space” gaya ng swimming pool. Naniniwala siya na ang trahedyang ito ay dapat magsilbing aral sa lahat upang maging laging handa sa mga posibleng sakuna at matuto mula sa mga pagkakamali.
Binigyang-diin din ng atleta ang pundamental na papel ng coach sa buhay ng mga atleta. Ayon sa kanya, ang coach ang pangunahing responsable sa pagpaplano ng bawat aktibidad at dapat nitong siguraduhin na ang kaligtasan ang nangungunang prayoridad, lalo na sa mga delikadong pagsasanay.
Sa pagtatapos, muling nagpaabot ng pakikiramay si Celeste sa mga pamilya ng mga biktima at nakiisa sa panawagan na hindi na dapat maulit pa ang ganitong uri ng insidente.










