DAGUPAN CITY- Inilunsad ng Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth ang ilan sa kanilang mas pinalawak at mga bagong benepisyong hatid para sa mga nangangailangan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Joseph A. Manuel, Public Relations III, Public Affairs Unit PhilHealth Regional Office – I, Dagupan City, mayroong 13 na mga enhanced benefit packages ang inihanda ng kanilang tanggapan para sa mga mamamayang Pilipino.
Aniya, saklaw ng mga benepisyong ito ang Hemodialysis na may 144% increase na nagkakahalaga ng P6,350 hanggang P990,000 para sa 156 sessions, depende sa sitwasyon ng pasyente.
Pinalawig din ng kanilang ahensiya ang dating Konsulta program na ngayo’y tinatawag na Konsulta+SDG Package, kung saan idinagdag ang mga serbisyo para sa tuberculosis o TB, HIV/AIDS, Malaria at animal bites treatment.
Kasama rin sa ilan pang mga programang handog ng PhilHealth ay ang COVID -19 Inpatient Benefits, Kidney Transplantation, Ischemic- Acute Myocardiac Infraction, Peritoneal Dialysis, Cataract Extraction.
Isa rin sa kanilang bagong programa ay ang Outpatient Emergency Care, kung saan hindi kailangang maadmit ng 24 oras ang pasyenteng itinakbo sa Emergency Room o ER.
Ilan pa sa kanilang mag serbisyo ay ang Preventive Oral Health Services, mga gamot, rehabilitation at iba pa.
Layunin ng PhilHealth sa mga bago nitong programa na mas mapalawig pa ang kanilang serbisyo at madagdagan pa ang mga matulungang mga mamamayang Pilipino.