Nilahukan ng nasa mahigit 300 mga residente sa bayan ng Manaoag ang dalawang araw na Theoretical Driving Course (TDC) na isinagawa ng lokal na pamahalaan kasama ang Binalonan Land Transportation Office (LTO) District Office .

Katuwang din dito ang Municipal Traffic Operations Office (MTOO) ng Manaoag.

Ito na ang ikaapat na batch ng programa na nagbigay ng pagkakataon sa mahigit 900 Manaoagueño.

--Ads--

Isinasagawa ang programa upang tugunan ang lumalaking bilang ng mga nagmamanehong walang lisensya sa bayan.

Ang dalawang araw na TDC ay isang kinakailangang pagsasanay para sa pagkuha ng driver’s license.

Karaniwan kasi umaabot sa ₱7,000 hanggang ₱12,000 ang kabuuang gastos sa pag-aapply ng lisensya, kaya malaking ginhawa para sa mga aplikante ang libreng TDC na karaniwang nagkakahalaga ng ₱1,000 hanggang ₱3,000.

Sa loob ng dalawang araw, sumailalim ang mga kalahok sa mga diskusyon tungkol sa road safety, traffic rules and regulations, at responsableng pagmamaneho.

Tinalakay ang paksang pinag-usapan para palawakin ang kaalaman ng mga motorista at matulungan silang makasunod sa mga regulasyon sa kalsada bago sila bigyan ng karapatang magmaneho.

Nagbigay ng mga lectures ang mga resource speaker mula sa LTO na ibinahagi ang mahahalagang impormasyon tungkol sa ligtas na pagmamaneho at mga batas sa kalsada.

Layunin ng programa na hindi lamang bawasan ang mga gastusin ng mga aplikante kundi mas mapalawak pa ang kanilang kaalaman para maging ligtas at disiplinado ang mga motorista sa kalsada.

Patuloy na isinusulong ang programa upang mas marami pang residente ang mabigyan ng pagkakataong makakuha ng kinakailangang pagsasanay nang walang dagdag na bayad.