Nagkaisa ang mga miyembro ng Caritas Philippines Social Action Network sa panawagang huwag ipagpaliban ng Senado ang impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte.
Ang panawagan ay inilabas isang araw bago magtipon ang Senado bilang impeachment court sa pamumuno ni Senate President Alan Peter Cayetano.
Sa pahayag na pirmado ng 167 pari at obispo, iginiit ng grupo na obligasyon ng Senado na sundin ang Konstitusyon at ituloy
agad ang paglilitis.
Binigyang-diin din nila na ang anumang pagkaantala sa impeachment trial ay katumbas umano ng pagkaantala ng hustisya—hindi lamang para sa publiko kundi maging para sa bise presidente.
Nanawagan din ang Caritas Philippines sa mga simbahan at komunidad na magsagawa ng sabayang pagpapatunog ng kampana tuwing alas-dose ng tanghali at alas-sais ng gabi, gayundin ng candle-lighting at panalangin para sa patas at makatarungang paglilitis.
Hinimok din nila ang mga mananampalataya na ipagdasal ang mga senador, prosecution panel at defense panel upang makakita nang malinaw, makapili nang tama at kumilos ayon sa batas at katotohanan.
Ayon pa sa grupo, lalo lamang umanong naging mahalaga ang mapayapang pag-oorganisa ng mamamayan matapos ang mga nangyari sa Senado noong nakaraang linggo, upang maprotektahan ang demokrasya at pananagutan sa gobyerno.










