Inaasahang muling tataas ang presyo ng produktong petrolyo sa susunod na linggo sa pagpasok ng buwan ng Pebrero, ayon sa Department of Energy (DOE).
Batay sa apat na araw na kalakalan sa Means of Platts Singapore, sinabi ni DOE Oil Industry Management Bureau Assistant Director Rodela Romero na posibleng ipatupad ang mga sumusunod na dagdag-presyo, hindi pa kabilang ang operating at iba pang premium costs ng mga kumpanya ng langis:
Diesel – P0.85 kada litro
Gasolina – P0.10 kada litro
Kerosene – P0.45 kada litro
Ayon kay Romero, ang inaasahang pagtaas ng presyo ay bunsod ng pagkawala ng hindi bababa sa dalawang milyong bariles ng produksyon ng langis kada araw sa Estados Unidos, matapos tamaan ang bansa ng matinding winter storm na patuloy pang nararanasan sa ilang lugar.










