Hindi sapat ang paulit-ulit na pagtataas ng mga kalsada at pagtatayo ng malalaking drainage system upang tuluyang maresolba ang problema sa pagbaha sa Dagupan City.

Sa panayam kay Tzar Umang, isang Cyber Security Specialist, kailangang tingnan ang pagbaha sa Dagupan hindi lamang bilang problema sa drainage kundi bilang isang mas malalim na usapin ng urban planning, heolohiya, land subsidence at pamamahala sa tubig.

Ayon sa kanya, mahalagang balikan ang mga pag-aaral na isinagawa kaugnay ng kalagayan ng Dagupan matapos ang malakas na lindol noong 1990.

--Ads--

Ipinaliwanag ni Umang na bago ang lindol, likas na marshland at mangrove area ang malaking bahagi ng Dagupan.

Aniya, ang pana-panahong pagbaha noon ay bahagi ng natural na sistema ng lugar at nakatutulong pa sa pagdadala ng sustansiya sa mga fishpond.

Ayon sa mga pag-aaral na kanyang tinukoy, nagkaroon ng soil liquefaction na nagdulot ng paglubog ng lupa sa ilang bahagi ng lungsod.

Mula sa dating mas mataas sa sea level, bumaba umano ang elevation ng ilang lugar at nagpatuloy ang land subsidence sa mga sumunod na taon.

Binigyang-diin ni Umang na dapat ding isaalang-alang ang bigat ng patuloy na development at mga istrukturang itinatayo sa lungsod.

Isa sa mga matagal nang mungkahing binanggit ni Umang ay ang posibilidad na ilipat ang central business district (CBD) sa mas mataas na bahagi ng lungsod, kabilang ang lugar sa paligid ng De Venecia Highway.

Ayon sa kanya, nakabatay ang naturang ideya sa mga topographic at iba pang pag-aaral na nagsasabing mas mainam pag-aralan ang development sa mga lugar na may mas mataas na elevation at mas mababang flood risk.

Hindi aniya nangangahulugan ito ng pagbura sa kasaysayan ng lumang sentro ng Dagupan.

Sa halip, maaaring mapanatili ang cultural at historical character ng kasalukuyang sentro habang unti-unting inililipat ang mga pangunahing government at commercial functions sa mas angkop na lugar.