Nagdagdag pa ng pinapakawalang tubig ang dalawang malalaking dam sa Northern Luzon na Ambuklao at Binga Dam dahil sa walang tigil na pag-ulan sa watershed area ng mga ito.
Mula sa dating 213 cubic meters per second (cms) na pinapakawalan ng Ambuklao na bulto ng tubig kahapon, umaabot na ito ngayon sa 246.5 cms kasunod ng pagbubukas ng isa pang spillway gate.
Mas malaking bulto ng tubig ang pinapakawalan ng Binga na aabot sa 327.25 cms. Ito ay mahigit 100 cms ng tubig mula sa dating 225 cms kahapon.
Apat na gate ng naturang dam ang kasalukuyan ngayong nakabukas mula sa dating dalawang spillway.
Sa kabila ng mga nakabukas na gate, nadagdagan pa rin ang bulto ng tubig sa Ambuklao at sa kasalukuyan ay nasa 751.70 meters na ang lebel nito. Ito ay isang sentimetro lamang bago tuluyang maabot ang Normal High Water Level (NHWL) na 752 meters.
Bahagya namang bumaba ang antas ng tubig sa Binga ngunit nananatili pa ring mataas kung saan ilang sentimetro na lamang ay maaabot na nito ang NHWL na 575 meters.










