Patuloy na maayos ang operasyon ng Binmaley Public Market, kabilang ang koleksyon ng bayarin mula sa mga stall owners, ambulant vendors at iba pang market users, ayon kay Dean Ocampo, Binmaley Public Market Supervisor.
Ayon kay Ocampo, regular na nakokolekta ang mga kinakailangang bayarin at maayos ang pagsunod ng mga nagtitinda sa mga itinakdang regulasyon ng palengke. Para naman sa mga nais magtayo ng negosyo o kumuha ng puwesto, kinakailangang magkaroon muna ng Mayor’s Permit upang maging legal ang kanilang pagbebenta, kabilang ang mga ambulant vendors na kinakailangang may kaukulang permit.
Patuloy din ang sapat na suplay ng mga pangunahing bilihin sa palengke, kabilang ang gulay, isda at karne. Minomonitor araw-araw ng Department of Agriculture ang presyo ng mga produkto upang matiyak na nananatiling abot-kaya ang mga bilihin para sa mga mamimili, lalo na sa mga pamilyang may limitadong kita.
Samantala, mahigpit din ang pagpapanatili ng kalinisan sa loob at paligid ng palengke. Isinasagawa ang monitoring simula madaling-araw, dakong alas-4 hanggang alas-5, at nagpapatuloy ito kada oras upang matiyak ang maayos na kondisyon ng mga puwesto at iba pang bahagi ng pamilihan.
Regular ding nililinis ang mga lugar na pinaglalagyan ng basura at kinokolekta ang mga ito alinsunod sa itinakdang araw at oras. Layunin ng mga hakbang na mapanatiling malinis, ligtas at maayos ang Binmaley Public Market para sa mga tindero at mamimili.










