Umabot sa daan-daang blood donors ang lumahok sa ika-8 taunang bloodletting activity na isinagawa sa San Carlos City, Pangasinan, bilang bahagi ng pagsisikap na mapanatili ang sapat na suplay ng dugo para sa mga pasyenteng nangangailangan ng transfusion sa lalawigan.

Inisyatiba ito ni 3rd District Board Member Vici Ventanilla, na target makakolekta ng mahigit 400 blood units ngayong buwan, matapos makapagtala ng halos 300 units noong Pebrero.


Ayon kay Ventanilla, nadagdagan ngayong taon ang mga grupong nakiisa sa aktibidad, kabilang ang isang community defense center ng Philippine Army Reservists, mga non-government organization, Guardians at mga volunteer. Layunin ng programa na makatulong sa pagpapanatili ng blood inventory ng Pangasinan Provincial Hospital Blood Bank. Naglaan din ang tanggapan ni Ventanilla, katuwang ang provincial government, ng 300 blue bags para sa mga matagumpay na blood donors.

--Ads--


Ayon naman sa provincial hospital blood bank, malaking tulong ang dami ng mga donor sa pagpapanatili ng suplay ng dugo para sa mga pasyente sa buong Pangasinan. Ilan sa mga lumahok ay mga unang beses pa lamang mag-donate ng dugo, na nagsabing nais nilang makatulong sa mga nangangailangan. Mayroon ding mga donor na dati nang nakaranas o nakasaksi sa pangangailangan ng blood transfusion at muling hinikayat ang publiko na makiisa sa mga bloodletting activity.


Patuloy namang hinihikayat ng mga organizer ang mga kwalipikadong residente na mag-donate ng dugo upang madagdagan ang available na blood supply sa mga ospital. Ayon sa mga organizer, mahalaga ang regular na blood donation dahil maaaring kailanganin ito ng mga pasyente sa panahon ng operasyon, emergency at iba pang kondisyong nangangailangan ng pagsasalin ng dugo.