Naghahanda na ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ng Pangasinan para sa nalalapit na tag-init at mahal na araw.
Kung saan nagpapatuloy ang kanilang pagbabantay sa inaasahang pagtaas ng heat index sa lalawigan.
Ayon kay Vincent Chiu ang Operation Supervisor ,nakahanda na ang kanilang ahensya upang tugunan ang posibleng epekto ng init at kalamidad.
Pinananatili ring matatag at handa ang mga search and rescue team ng lalawigan, na may regular na enhancement training upang masigurong maasikaso nila ang anumang insidente, lalo na ngayong malapit na ang Holy Week.
Dahil papalapit na ang panahon na magpapataas ng temperatura, pinaalalahanan ni Chiu ang publiko na mag-ingat, mag-hydrate nang mabuti at sumunod sa mga safety protocols, lalong-lalo na sa mga tourist spots at mga lugar na maraming tao.
Hinihikayat din ng opisyal ang mga residente na maging mapanuri sa mga impormasyong nakukuha sa social media at magtiwala lamang sa mga lehitimong news agency at opisyal na pahina ng gobyerno.
Inulit niya na walang dapat ikabahala ang publiko basta’t handa at maingat sila, makatitiyak na ligtas ang lahat kapag may disiplinang ipinapatupad at kooperasyon mula sa komunidad.










